http://www.abante.com.ph/issue/july0209/ent_other03.htm
Pahayag ng GMA ukol sa Case Unclosed (Bro. Eli Soriano Rape Case)
MARIING itinatanggi ng programang Case Unclosed na hindi nito sinubukang kunin ang panig ni Bro. Eli Soriano bago ipinalabas ang episode na Paninirang Puri noong Hunyo 18.
Ginawa ng production team ng Case Unclosed ang lahat ng paraan upang makapanayam si Ginoong Soriano para sagutin ang mga alegasyon sa gitna ng kasong rape na isinampa laban sa kanya ni Daniel Puto Veridiano. Maraming sulat at mga text message ang ipinadala kay Ginoong Soriano, sa kanyang mga abogado, at mga kinatawan upang humingi ng pagkakataong makapanayam on-cam ang pinuno ng Ang Dating Daan, subalit ang lahat ng ito ay hindi binigyang pansin.
Ilang beses ding tinawagan ang mga abogado ni Ginoong Soriano, ngunit naging mailap sila. Dinala pa mismo ng isang staff ng Case Unclosed ang isang sulat sa tanggapan ng UNTV upang matiyak na natanggap ng grupo ni Ginoong Soriano ang pakiusap na siyay makapanayam matapos hindi bigyang pansin ang mga tawag at text messages.
Unang itinakdang ipalabas ang episode sa kaso laban kay Bro. Eli noong Hunyo 11. Ngunit dahil hindi makausap si Ginoong Soriano ng production team habang papalapit na ang araw ng pagpapalabas ng nasabing episode, ipinagpaliban muna ang pagpapalabas nito ng isa pang linggo o sa Hunyo 18 upang mabigyan pa ng pagkakataong marinig ang panig ni Bro. Eli.
Subalit hindi pa rin binigyang pansin ng mga abogado ni Bro. Eli ang mga pakiusap na mahingi ang kanilang panig ukol sa kaso.
Bukas ang Case Unclosed sa pagpapalabas ng panig ni Bro. Eli Soriano sakaling magbigay siya ng pahayag.