<< Previous Topic | Next Topic >>Return to Index  

Alam mo pa ba? - ANG ALAMAT NG SAGING

June 23 2008 at 10:06 PM

Alepin  (Login Alepin)
Forum Owner

 

Ang Alamat ng Saging


May isang prinsesang napakaganda na kung tawagin ay Mariang Maganda. Ang kanyang tahanan ay malapit sa isang maliit na gubat kung saan maraming magaganda't mababangong halamang namumulaklak. Araw-araw, ay namamasyal, ang prinsesa sa gubat na iyon. Namimitas siya ng mga bulaklak na katangi-tangi ang ayos.

Isang araw, sa kanyang pamamasyal, ay nakatagpo siya ng isang prinsipe. Magandang lalaki ang prinsipeng iyon. Nang makita ni Mariang Maganda ay nakaramdam siya agad ng kakatuwang damdamin. Ang prinsipe naman pala'y gayon din. Kaya agad silang nagkapalagayan at nagkahulihan ng loob.

Araw-araw ay namamasyal sila ng prinsipe, hanggang sa magtapat ng pag-ibig ang prinsipe. Palibhasa'y sadyang may inilalaan nang pagtingin ang prinsesa, hindi na ito nagpaumat-umat at tinanggap ang iniluluhog na pag-ibig ng prinsipe.

Isang hapon matapos silang mamasyal, nag-ulayaw ang dalawa sa lilim ng mabangong halamanan ng prinsesa.

"Mariang Maganda, kay ganda ng mga bulaklak mo, nguni't ang mga bulaklak doon sa aming kaharian ay higit na magaganda at mababango, walang makakatulad dito sa inyo."

"Bakit, saan ba ang inyong kaharian?"

"Doon sa dako roon na hindi maaaring marating ng mga taong may katawang-lupa."


Ilan pang saglit at nagpaalam na ang prinsipe na malungkot na malungkot. Kaya napilitang magtanong si Mariang Maganda. "Mangyari'y…" at hindi na nakuhang magpaliwanag ng prinsipe.

"Mangyari'y ano? Ano ang dahilan?" ang tanong ng prinsesang punung-puno ng agam-agam.

"Dapat na akong umuwi sa amin, kung hindi, hindi na ako makababalik. Ibig ko sanang isama kita, nguni't hindi maaari, hindi makapapasok doon ang tulad ninyo. Kaya paalam na irog."

"Bumalik ka mamayang gabi, hihintayin kita sa halamanang ito. Babalik ka ha?"

"Sisikapin ko Mariang Maganda,"
ang pangako ng prinsipe.

Malapit na ang hatinggabi nang dumating ang prinsipe. Sinalubong siya ng prinsesang naghihintay sa loob ng hardin. Nag-usap na naman sila ng nag-usap. Kung saan-saan nadako ang kanilang pag-uusap. Hawak-hawak ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe.

Kaginsa-ginsa'y biglang napatindig ang prinsipe. "Kailangang umalis na ako, Mariang Maganda. Maghahatinggabi na, kapag hindi ako lumisan ay hindi na ako makababalik sa amin. Diyan ka na subali't tandaan mong ikaw rin ang aking iniibig," at ginawaran ng halik ang mga talulot na labi ni Mariang Maganda.

Pinigilan ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe. Hindi niya mabatang lisanin siya ng kanyang minamahal. Sa kanilang paghahatakan, biglang nawala ang prinsipe at naiwan sa mga palad ng dalaga ang dalawa niyang kamay. Natakot ang prinsesa, kaya patakbong nagtungo sa isang dako ng kanyang halamanan at ibinaon ang mga kamay.

Ilang araw, pagkatapos ay may kakaibang halamang tumubo sa pinagbaunan niya. Malalapad ang mga dahon at walang sanga. Ilan pang araw pagkaraa'y nagbulaklak. Araw-araw, ay dinadalaw ng prinsesa ang kanyang halaman. Makaraan ang ilang araw, ang mga bulaklak ay napalitan ng mga bunga. Parang mga daliring nagkakaagapay. Iyon ang mga unang SAGING sa daigdig.

Source : www.globalpinoy.com

 
 Respond to this message   
AuthorReply

pinaypinoy08
(Login pinaypinoy08)
Moderator

Re: Alam mo pa ba? - ANG ALAMAT NG SAGING

June 24 2008, 8:29 PM 

Salamat! I love these!

 
 
Current Topic - Alam mo pa ba? - ANG ALAMAT NG SAGING  Respond to this message   
  << Previous Topic | Next Topic >>Return to Index  
Find more forums on EntertainmentCreate your own forum at Network54
 Copyright © 1999-2009 Network54. All rights reserved.   Terms of Use   Privacy Statement  

as of March 27, 2009

free counters
The views and opinions expressed by members of this forum are their own and do not represent those of the forum's owners. Videos, images and music posted for entertainment and discussion, no copyright infringement intended, all pictures property of original owners. All altered images property of respective owners. All videos are properties of their respective owners. Copyrights and trademarks for books, films, articles, magazines and other promotional materials are held by their respective owners.