<< Previous Topic | Next Topic >>Return to Index  

Tula para sa aking mga kababata

April 23 2003 at 12:22 PM
No score for this post
Ming Baldemor  (Premier Login paete)
Forum Owner

 
ANG AKING KABABATA
Ni Ming Baldemor

Ngayong tila mabilis na ang pag-inog n’yaring mundo,
Ang gabi ng buhay mandi’y naglalatag na ng anino
Ngayong anak na puhunan nagsukli ng mga apo
Mga katotong nakaniig bigyang daan maikwento.

Noong unang panahon, sa malayong kabayanan,
Naroon sa paanan ng Sierra Madreng kabundukan.
Nagsimulang bumangon ang nangagdusang sambayanan,
Mula sa hirap at hapis na idinulot ng digmaan.

Ang mga bahay na sinunog ng dayuhang mapangamkam,
Bilang ganti sa bayan kong di tumigil makilaban.
Unti-unting nagsitayo sa sulad na s’yang nilakhan
Upang buhay na naudlot, bigyang sigla, pasimul’an.

Dito sa panahong ito sumibol ang Bats Piptinayn,
Suot-suot yaong bakya pagpasok sa iskwelahan.
Ang iba ay nakatapak dahil sa bakya’y di nasanay
Hawak yaong bag na buli, baon singkong duling lamang.

‘Di ako nagkinder no’n, umpisa ko ay sa greyd wan,
At ang librong sinimul-an titulo ay Pepe’t Pilar.
Mga awitin ay Ingles din, kahit ‘di maunawaan,
Gumugulong na si Ito, Jack en Jill umpisa pa lang.

Ang matatalino kong kaklase ay naroroon sa grup-wan,
Sumunod na antas naman sa grup-tu ang kinalagyan,
Anupa’t ang grupo namin ni Ito nang aking masdan,
Abai lahat na “bobo” yata grup por yaring nasadlakan.

Pag dumating ang bagong libro, patak ay sa unang grupo,
Sa grup-tu ang bagsak naman ng pinaglipasan nilang libro.
Abai, kamukat-mukat mo yaong pinaglipasan na ng mundo,
Hantungan ay mga palad, grupo ng abang lingkod ninyo.

Masisi nyo ba ako kung paborito ko ang reses,
Kaysa naman makipagbuno sa pag-gamit nitong lapis.
Bukod sa mataba ito, ang bilis mapudpod ng tulis,
Pantasa ay mapupurol, sinusulat pa ay Ingles.

Minsan naman pinapila ang mga bata sa eskwela,
Sinusukat, tinitimbang, sinisilip pati mata.
Kapag payat at kulang ka sa kailangang bitamina,
Kasama ka sa listahan, at sa reses pipila ka.

Sa H. E. may kahabaan ang linya ng nakapila,
Binibigyan ng gatas na “Klim” yata’ng tawag nila.
Isa ako sa nainggit di pinalad makakuha
Nitong gatas na tunay na masarap nga sa panlasa.

Nang dumating na ang oras para kami bakunahan,
Mga natakot kong barkada sa bintana nagpulasan.
Rogel Baet, Pol Solleza, at ilang di ko matandaan
Sa huli ay nadakma rin ng alistong si Mang Juan.

Minsan naman isa-isa pinagbabasa sa harapan,
Habang hawak mo ang libro, na nasa kaliwang kamay,
Tuwid ang iyong katawan, kanang kamay sa likuran,
Nakikinig buong klase, titser ikaw’y aantasan.

Dahil hindi ko nga alam at mahina sa basahan,
Sa takot kong mapahiya, minemorya ko na lamang.
Kaya lamang nang ako na ang tinawag sa harapan,
Nabisto nang di ko buksan ang pahinang kinalagyan.

Ang siste mo nang dumating na ang araw ng pasaran,
Sebenti-siks man ang antas ko, masaya ang pakiramdam.
Paano nga buong taon sa hirap na naranasan,
Pasang-awa man ang tawag, greyd-tu na rin sa pasukan.

Solar Eklips pangyayaring greyd tri tayo nang mataon,
Katanghalian ay nagdilim, mga manok ay humapon.
Natakpan ng b’wan ang araw, takdang alas-dos ng hapon
Si Raul Adea nga nakita ko, blanket ay mayroong baon.

Nabangit ni toto Owing, greyd por yata nang purgahin,
Pinatulog pa sa iskul, sinigurong di kakain.
Pinapanood pa ng kartoons, upang gutom ay libangin,
Kahit noo’y nahirapan, sa alaala’y may saya rin.

Sa arts and crafts sino kayang makalimot kay Mr. Pascual,
Na nagturo ng handicrafts, ang lupa ay ‘pinabungkal.
At kung ikaw’y magkamaling gumawa ng kalokohan
Siguradong disiplina at parusa’y makakamtan.

Tuwing Lunes ng umaga, bago simul’an ang iskwela,
Hahanay tayo sa harapan mayroong maikling programa,
Ang Awiting Pambansa madamdaming kinakanta,
Manunumpa sa watawat, sa dasal may nangunguna.

Sa dako ro’n sa damuhan, nakahanay ang mga "boy scouts"
Sa pangunguna ni Raulito, sumasaludo sa watawat.
Sa hapon bago mag-uwian maririnig naman ang "taps"
Walang tatalo sa trumpeta kay Toto Danny Cahanap.

Malilimutan din kaya natin ang pagpuslit sa tikiwan,
Water lily, kalabanga, doon sa dulo ng palayan,
Kahit linta hahamakin, magalit pa ang magulang
Basta kasama ang “ehem” nya, kahit ligaw-tingin lamang.

Paghudyat na ng reses na paborito ng lahat,
Takbuhan nang papalabas sa playround na anong lawak.
Tinapay na mayroong pinat, kasama’y malapot na gatas
Kina Inang Epang Cadayona, di magkamayaw ang lahat.

Mais, mani, ginataan, halo-halo, at binay-an,
Puto, pasingaw, may kinabog at mayroon pang kalamay
Binamban at butse-lawit may dugtong pang monay-dikit,
Saging na saba pag humirit t’yak na tiyan mo ay sasakit.

Anong greyd nga ba naman tayo tila aking nalimutan,
Nang eroplano ni Magsaysay sumalpok sa kabundukan.
Buong bansang Pilipinas sa lungkot ay nalambungan,
Paano nga si Magsaysay tunay na mahal nitong bayan.

Kadalasan noong araw bago ikaw maka-gradweyt,
Mayro’ng hamong “magpabinyag” kalalakihang mga paslit.
Pansinin mo ang paglakad kasabay ang martsang awit,
Kakaang-kaang ang paghakbang paano nga’y may masakit.

Paano mo lilimutin masasayang araw natin,
Na ginugol sa PES anim na taong singkad mandin.
Nagbukas ng kaisipan upang bukas ay harapin,
Sa murang isip ang natanim hindi na kayang burahin.

Sa mga gurong buong husay na sa amin ay gumabay,
Matiyagang nagpunla ng gintong butil ng karunungan.
Sinindihan ang ilaw ng musmos naming kaisipan,
Upang ihanda kaming lahat sa sigwada nitong buhay.

Salamat, O salamat, kaiskwelang kinagiliwan,
Sa kalaro at barkadang kasama ko kahit saan.
Naging makulay yaring buhay sa halip na kainipan,
Sigla at kasayahan kaulayaw sa araw-araw.

Saya pa rin ang dulot sa dakong hapon nyaring buhay,
Kapag alaala ng kahapo’y bumabalik sa isipan.
Paano nga’y tila Eden ang nagdaang mga araw
Noong mga isip natin sa problema’y walang muwang.

Kabungkos ko’t kababata, ngayon at magpakailan man
Umaapaw na ligaya ang dulot nyo sa ‘king buhay.
Sa pagtawid ko sa dagat na patungo sa ibang bayan,
Baul ng alaala nyo bangka na aking sasakyan.

Maraming salamat, aking mga kaibigan!

 
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.Respond to this message   
AuthorReply
Rey Carolino
(Premier Login paete)
Forum Owner

Very entertaining, Ming!

No score for this post
April 23 2003, 12:25 PM 

Salamat sa tula mo! I enjoyed reading it.

 
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.Respond to this message   
Current Topic - Tula para sa aking mga kababata
  << Previous Topic | Next Topic >>Return to Index  
 Copyright © 1999-2009 Network54. All rights reserved.   Terms of Use   Privacy Statement  

BACK TO THE PAETENIANS HOME ON THE NET