MALAPIT na naman ang fiesta. “Mamamantikaan na naman ang ating mga bibig,” (note: hindi ginagamit ang salitang labi sa Paete…at pag kinagalitan mo ang bata na may musing sa labi ay ganito,”Tingnan mo nga ang bunganga mo.” Shucks!
Maraming salita sa ating bayan ang kababakasan ng di matatawarang talino at makahaing kaisipan ng ating mga ninuno. Mga matalinghagang salita na kadalasan ay metapora o paghahambing – ang siyang naisasalin sa bawat henerasyon. Salamat sa wari ay pilit nating pagyapos sa tuloy-tuloy na paggamit ng mga ito at nang hindi naman maging bahagi na lamang ng isang nakaraan. Naroroong nangingiti tayo sa mga salitang maghinuko, kurawraw, ruming-rumi o malakihin. Dala ng mga ito ay ang pagkakaroon natin ng isang tunog, isang kultura, isang pagkakaunawaan at ng isang sulok sa mundo. Ang mga salitang ito ang nagpapaalala ng ating payak na pinagmulan, gumigising sa pangungulila natin sa Paete at nagdudulot ng ligaya sa ating puso. Maging kasing lalim man sila ng Laguna de Bay o kasing babaw ng ating mga bambang – ay hindi kailanman maitatatwa ang mahikang dala ng ating mga salita. At sasabayan ng puntong umaalon tulad ng indayog ng hangin sa ating mga bundok at kapatagan. (trivia: ang punto ng mga tao ay kahalintulad ng topograpiya ng kanilang lugar.)
Masasabi kong lubos ang aking biyaya sa tuwinang maririnig ang mga salitang laman ng pag-uusap namin ng aking ina. Malayo man kami sa Paete at hindi man marinig ang mga bagong anunsiyo ay napapanatili namin ang interes sa kahit na anong “Usap-Paete.” Ni hindi madaling makipag-usap sa isang ina na sa edad na 82 taong gulang ay naaalala na “pitong taon siyang nag-anghel bago naging San Miguel,” pero dala ng pagka-ulianin ay nakakalimutan kung nakapaligo na sa maghapon. Hindi rin nakakatulong na wala na kaming masyadong kilala sa Paete. Ang tanging magagawa ay pagyamanin ang kaunting alaalang nalalabi sa pamamagitan ng paghuhukay ng nakaraan. At ang hindi pagsawaan ang pag-uusluan.
Nariyang kapag nanonood kami ng tv at nakita ang mga biktima ng krimen ay maririnig mo kay ina ang, “parang hindi sinanggol.” Sa mga kumakanta na wala sa tono ay, “Ibalita mo na laang.” Sa mga artistang naka-gel ang buhok ay “parang dinilaan ng baka.”
Kapipistain ni ina. Taga-Payti nga.
Pag ako ay naglinis ng bahay maghapon at naligo sa gab-i, ang maririnig ko ay, “Hindi ka ibubukol ng lupa.”
Noong ako ay bata ay napakarami kong natanggap na “papuri” kay ina gawa ng aking kasabitan. Nag-iisa akong babae kaya walang ibang kiri, gaygay, sabit sa aming pamilya. Prisintada pa raw ako sa iskul.
Kapag hinati ko ang buhok ko na ala-Cachupoy ay mukha raw akong “buto ng santol.” Ano baga iyon? At pag nag-aandit ng kung anu-ano sa kataw-an ay natatanong ako ng, “ano ka taga-Ima-os?"
Maglakad ka nang pakaras-karas, “mura ang tsinelas.” Mag-luway-luway ka naman ay “para ka raw nag-aAma Namin.”
Sa aming bahay ngayon ay ganito ang senario. Samantalang ako raw ay “gising na gising ang buliga, si ina naman ay “tutuka-tuka na ang ulo.” Huwag daw matutulog nang gutom at baka “magbungkal ang kaluluwa sa gab-i.” Ang akin daw mga anak kapag nakatulog sa one-seater na upuan animo’y “ibinaba sa kurus.” Ang kasamang bahay ko daw ay “linis-gitna ang alam.” Darating daw si Inang Doray at “maghihiga” ng isang gab-i. Tiyak na puro “usap” ang dala na “wala namang resibo.” Tulad noong kalapit-bahay sa Quinale na “nauna pa raw ang anak sa ama.”
Ih,ih,ih napapailing na laang ako pero “buong-buo ang mukha ko.”
Bakit pag hinanap si ama at nasa itaas ng kabahayan ang sagot ay,”nasa bahay po.” At pag si ina naman ang nawawala at nasa silong ay ganito naman, “ nasa lupa po.”
Ih, ih ih (ulit.)
Kapag ako ay umuwi sa Paete ay “sari-sari” rin. Iyong hipag kong isa ay “maipakakasal mo raw sa spaghetti (kahit pataas o pababa.) Dahil kalalayas ko sa Paete ay “panaog-baka” raw ako. Maigi na laang at hindi strict ang mga daughters ko pag nasa atin ako. Kahit ako mag-yao’t-ito na “parang trak ng ikmo” ay walang karekla-reklamo. Diplomasya ang kailangan. Hindi ko na da naman matakot sa hudiyo at sipay. Malalaki na. Ako na ang takot ngayon at baka hindi ako turuang mag-computer. Hala kayo wala kayong mababasang kahapyugan dito.
Kapag paluwas na kami ay malungkot na ulit ang mga kamag-anak namin.Pag-alis daw namin ay para na naman sila “naighang-palaka”.
“Ih, tama na ang isang hurno,” sabi ko sa Inang Lydia Fadul ng Matanglawin Newsletter.Bali da naman akong paluagin, ah. Haling na haling sa style ko (daw). Maalam daw akong mag-Ingles (puro haka), deretso daw ang strictly-Tagalog kong style (inaabot ng siyam-siyam) at higit sa lahat ay nakapagpupunto ako – sa pagsulat! Partida pa iyan. Hindi ko pa iyan ginamitan ng Besayah ba and my coniotic language. Iyon bang, “Oh my gosh, you make tusok-tusok na the squid balls, I’m hungry na eh.” Mayroon pa akong ala-Kris Aquino ay baka laang ako kaiyamutan.
Pero iyang pamangkin kong si Indoy ay “papariin” iyan. Noong araw.
Minsang nakasakay ako sa armoured car (naging jaguar po ako ng banko sa Pasig), sabi noong isa kong kasama , sabay halakhak sa nabasang “koyokot” na nakasulat sa likuran ng sinusundan naming jeep, “Ang cute noong word ano?” Sagot ko naman, “Oo cute ka rin tulad noong word.” Pagkababa namin sa banko ay ipinamalita ko na mukhang koyocute si kapwa Jaguar. Ay di napamagatan. Makalipas ang isang linggo ay ipinalipat ko si katoto sa Colon Branch sa Cebu. Baka ako barilin na ala-Jose Rizal. Narinig kong inaalam kung ano iyong cute na word. Ang marikit mo’y mukha talaga siyang cute.
Huwag nyo lamang ako tatanungin kung ano ang “puwit-Paete” at “puwit-Maynila”. Pang-wholesome po ang aking mga sulatin.
Sha, sha, sha. Diyan na kayo at ako ay mag-gigisa pa ng apaliya. Lalagyan ko ng swatanghon at maraming edible. At nang mamantikaan naman ang bibig kahit hindi pa fiesta.
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.
hahaha...ang umistambay sa tindahan nina Betty Hardin, bago mag ring ang bell... natatandaan mo baga ng purbahan nating uminom ng beer na ang pulutan ay dinuguan? (bale aba, kunsintidor ang tatay ni Betty...hahaha, natuluan ang krabat mo ng dinuguan, kandakahug ka sa kapupunas at mag ta-tym na hahaha.
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.
Bai na! Payting-payti talaga. HaHaHaHaHaHa! Napaka-gaygay mo talaga Fluralulu sumakit ang tiyan ko sa katatawa, bawat linyang basahin ko tawa ako ng tawa hahahaha mamaya mag-u-utot ako.
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.
Hi,Flora,
Greetings from San Diego.Marami ka na naman pinatawa sa article mo.Totoong lahat ang mga nabanggit mo sa iyong sulat na narinig sa ating mga magulang noon tayo ay lumalaki.Marami pa ako naalaala.Baling bale tayong mga taga Payti,marami tayong salitang Payti na unique na sa atin lang mga taga Paete ang may alam.Maraming incidents pag may party ang aming pamilya na ang mga bayaw ko ay may salitang Payti sasabihin na lang ng mga hipag kong hindi taga Paete ay " bali kayo" at iiling-iling na lang.Pag may party dito sa amin at mga taga Payti ang mga bisita (Katulad nina Pareng Gil Adea,Eddie Cagandahan at iba pa)tiyak maiihi kayo sa tawa.Siguro sabihin na lang ng mga kapitbahay napaka-ingay doon sa amin.Wala kaming pakialam,weekend naman at may-araw pa.Please continue your talent in writing,marami kang napapasaya,that's a special gift to all of us na malayo sa PAYTI.
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.
I had a last minute meeting with Meg the day before she left. Kami pala ang mag-dada sa Ac-ac. Ikaw daw pilit na hinimay na ang lahi ay wala pa ring matuklasan. Anyways, magkakamag-anak tayo lahat sa Paete. Thanks.
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.
Hi Fluralou, gusto ko lamang tarasuntahin sa iyo, kaninu ka bagang anak at talagang payting-payti ang nabasa kong artikulo mo. Aryada ng aryada at ng ang lahat ay maging masaya.
Salamat.
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.
Akala ko'y hinahanap mo na sa akin si Assunta. BTW,ako'y taga Bagumbayan malapit sa lumang garahe ng LTB. Kapatid ko si "Pingkit." Kaeskwela ko si "Tisay" samantalang ako naman ay si "Morena." Sa Eastern ako nag-eskwela. Minamaka-maka ko rin kung sino ka sa mga postings mo, di ko makuha, hindi "sounds family" ang surname mo.thanks.
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.
Matagal na kasi akong narito at Swiso ang naging asawa ko kaya ang apilyedo ko ay naiiba. Lumaki kami sa tapat ng Puericulture Center, anak ng Kintin at Olim. Ewan ko kung kilala mo sila. May kapatid akong Mario(Sadsad, kapatid ko sa ina),Lina, Resty,Frank, Edith, Virginia at Jun. Ako ay 53 years old na.
Di ko pa rin mawari kung sino kayo, pero ok lang, basta taga Paete tayo.
Rgds, Fely
Scoring disabled. You must be logged in to score posts.